Friday, April 11, 2014

Ang Pangulo at Kontrobersiya (Marcos, Arroyo, Ramos, Estrada at Aquino)

Naisipan ko lang ibahagi ang pananaliksik ko tungkol sa mga kinaharap na iskandalo ng limang pangulo na ito at ng kanilang administrasyon. Walang layunin ang pananaliksik na ito na siraan ang mga nabanggit, dahil pawang katotohanan ang mga nakasulat dito. Ang mga datos at impormasyon ay malugod kong kinuha mula sa mga katiwa-tiwalang "sources".

I. Ferdinand E. Marcos


A. Mga Kontrobersiya o Iskandalo

1. Ill Gotten Wealth (Swiss Bank Accounts)


Apat na akawnt sa bangko ang ibinuksan ni Ferdinand Marcos sa Swiss Credit Bank sa Zurich. Dalawa sa apat na ito ang nakapangalan sakanya, ang isa ay nakapangalan sa isang William Saunders habang ang natitirang isa naman ay nakapangalan sa isang Jane Ryan. Ang apat na akawnt na ito ay naglalaman ng mahigit $950,000 dollars.


2. Payola Expose


Matapos ang botohan ukol sa pagpili ng uri ng gobyerno, niyanig ng isang eskandalo ang Philippine Constitutional Convention na isiniwalat ni Ginoong Eduardo Quintero. Inamin niyang isa siya sa mga nakatanggap ng mga sobre ng panunuhol sa labing-walong iba’t ibang okasyon. Ayon kay Quintero, ang mga suhol ay isang pangungumbinsing nanggaling kay Imelda Marcos upang maging pabor ang magiging resulta ng gaganaping botohan sa uri ng gobyerno sa mga Marcos. Nadawit din ang pangalan ni dating pangulong Ferdinand Marcos nang isalaysay ni Quintero ang pagpapatawag sakanya nito sa Malacanang upang personal siyang kausapin at hilingan na huwag suportahan ang resolusyon na magbabawal sa dating pangulo na panghawakan ang kanyang kapangyarihan kapag natapos na ang kanyang termino.



3. The Dovie Beams Tape


Noong 1968, isang pelikulang may titulong Maharlika ang nakatakdang isagawa. Ito ay naglalayon na purihin ang mga pakikipaglaban ng dating pangulong Ferdinand Marcos, kung kaya’t sinagot ng dating pangulo ang kalahati ng gastos sa nasabing pelikula. Si Dovie Beams, isang Amerikanang aktres, ang napiling gumanap bilang Isabella. Naging usap-usapan ang pagkakaroon ng relasyon ng dating pangulo at ng aktres. Nagulat ang marami nang patugtugin sa university station ng University of the Philippines ang tape na naglalaman ng boses ng dating pangulo at ng Amerikanang aktres habang sila ay nagtatalik. Bago lisanin ni Beams ang Pilipinas, nagpatawag siya ng “press conference” at ipinarinig niya ang nilalaman ng tape sa publiko. Si Beams mismo ang nagsagawa ng pagrerekord sa pamamagitan ng pagtatago ng tape sa ilalim ng kanyang kama nang maganap iyon. Sa nasabing tape, paulit-ulit na narinig ang paghiling ni Ferdinand Marcos ng “oral sex” kay Dovie Beams. Hinarana rin niya ang kalaguyo ng Ilokanong awitin (Pamulinawen) habang sila ay nagtatalik. Ayon kay Beams, napilitan siyang ipaalam sa publiko ang kanilang relasyon upang protektahan ang kanyang buhay mula sa mga pagtatangka. Ang tape na ito ay mahigit isang linggong paulit-ulit na pinatugtog sa University of the Philippines


Napili ko ang mga ito dahil bagamat ang mga nasa itaas ang tatlo sa pinakamainit na iskandalo o kontrobersiya sa kasaysayan ng Pilipinas, ang tatlong ito rin ang masasabi kong nagbigay ng kulay sa kasaysayan ng Pilipinas, yaon nga lang, higit na negatibo ang kinalabasan. 


Hanggang sa kasalukuyang panahon, ang tatlong ito ay patuloy na pinaguusapan, mapa-kritiko man o mga estudyante, pamilyar sa tatlong kontrobersiyang ito. Halimbawa na lamang ang unang kontrobersiya, ang Ill Gotten Wealth. Ang mga sumunod na administrasyon matapos ang rehimeng Marcos ay pilit na ginalugad ang mga pag-aari, akawnt at iba pang may kinalaman sa pamilyang Marcos dahil sa layuning maidiin si Ferdinand Marcos at mabawi ang di umano’y nakaw na kayamanan. 




Napili ko rin ang mga ito dahil makikita sa mga kontrobersiyang ito ang ilang pangit na paguugali na taglay ng mga tao sa buong mundo na sanhi ng pandaigdigang problema. Maaaring ang mga problemang ito ay pampamilya, pangekonomiya, pangmoral, at iba pa. Una na nga rito ay ang pagkatakam sa pera at kapangyarihan na tuwirang makikita sa ikalawang eskandalo kung saan nagawa ng mag-asawa na mamigay ng suhol upang manatili sa puwesto. Ikalawa ay ang pagkatukso naman sa mga babae na siyang numero unong sanhi ng pagkawasak ng pinakamaliit na yunit ng komunidad, ang pamilya. 


Bagamat napakaraming negatibong dulot ang mga nabanggit na eskandalo o kontrobersiya, hindi natin maitatanggi na si Ferdinand Marcos ay nagpamalas ng ibayong katalinuhan at kagalingan sa pamamalakad ng Pilipinas, nakakalungkot lamang isipin na hindi na siya muli pang nakabangon nang malugmok sa kasamaan at korapsyon.




B. Paraan ng pagharap:

1. Ill Gotten Wealth


Mariing itinanggi ng pangulo, lalo na ng kanyang maybahay ang mga paratang na nagnakaw sila ng pera ng bayan. Ayon kay Imelda Marcos, ang kayamanan nila ay nakuha nila mula sa mga gintong natamo ni Ferdinand Marcos noon pa man. Sinabi rin niya ang mga kayamanan ng mga prominenteng tao gaya ni Lucio Tan at Danding Cojuangco ay nanggaling kay Ferdinand Marcos, na plinano lamang gamitin sana ng dating pangulo ngunit tumanggi nang ibalik ang perang panandaliang ipinahiram.



2. Payola Expose


Sa halip na makasuhan si Marcos, si ginoong Quintero pa ang nakasuhan. Hindi nagtagal, naging matunog ang pangalang Primitivo Mijares, ang kanang kamay ni Ferdinand Marcos at kolumnista, nang tumestigo siya laban sa dating pangulo at kay Imelda Marcos sa Frazer Committee ng U.S. Congress. Inamin niya na siya at ang iba pang “presidential assistants” ay kabilang sa isang propaganda na pasamain ang imahe ni Quintero. Ayon sa kanya, dumayo pa sila sa pinagmulan ng ginoo upang mangolekta ng “dumi” na ilalabas sa publiko para mawala ang kredibilidad nito hinggil sa isiniwalat na katiwalian. Isinulat niya rin ang librong “The Conjugal Dictatorship” na nagbigay ng mas detalyadong pagsasalaysay ng korapsyon at katiwalian ng mag-asawang Marcos. Inimbistigahan ng kumbensyon ang pagsisiwalat, at hindi nagtagal ay sinabing kulang sa ito sa basehan. Ipinadakip, pinahirapan at pinatay ang kanyang anak na lalake bilang higanti sakanyang mga rebelasyon, at di naglaon, nawala na lamang ng parang bula ang kolumnistang ito. 



3. Dovie Beams Tape


Matapos ang pagpapatawag ni Beams ng isang press conference, umupa siya ng maraming tao upang patayin si Beams. Ito ay muling isinalaysay ni Beams nang siya ay maluwalhating makabalik sa Estados Unidos. Ang aksyon na ginawa ni Marcos ay naging mainit na usapin sa Pilipinas. May mga haka-haka rin na isa ang Dovie Beams Tape Scandal sa mga dahilan kung bakit naging matatag ang desisyon ni Ferdinand Marcos na magkaroon ng Martial Law sa Pilipinas.



C. Epekto sa Pananaw ng Mundo sa mga Pilipino o sa Kasaysayan ng Pilipinas


Ang administrasyong Marcos ay nagdulot ng negatibo at positibong pananaw ng mundo sa Pilipinas at mga Pilipino, ngunit ‘di hamak na mas matimbang ang mga negatibong pananaw. Kung susuriin at pakikinggan ang mga puna ng mga nakatatanda at kritiko, sinasabing ang panahon ni Marcos ang pinakamaunlad na panahon ng Pilipinas. Tinawag pa nga itong “Golden Age of the Philippines.” Hindi maitatangging mahusay na pangulo si Ferdinand Marcos, at masasabi kong siya ang pinakamahusay na pangulo ng Pilipinas, sa ngayon. Ngunit sa kasamaang palad, tuluyang bumababa ang kanyang kredibilidad at nawala ang pagrespeto sakanya dahil sa mga katiwaliang nasaksihan ng mga mamamayang Pilipino.


Sa katotohanan, ang pangulong Marcos ay nasa Guinness Book of Records, kabilang sa listahan ng pinaka-corrupt na lider ng mundo. May mga sabi-sabi din na sinusundan ni Ferdinand Marcos ang dating pangulong Suharto ng bansang Indonesia sa listahan ng pinaka-corrupt na lider sa buong mundo. Tinatayang nakakuha ng $5 milyong dolyar hanggang $10 milyong dolyar si Ferdinand Marcos sa loob ng dalawampu’t isang taon ng kanyang pamumuno 


Ayon sa lathala ni Belinda Aquino na “Politics of Plunder: Philippines under Marcos,” nagsagawa raw ng iba’t ibang paraan ang dating pangulo upang makakuha ng tinatawag nating “ill-gotten wealth.” Kabilang dito ay ang pagtatatag ng mga monopolyo at paglilipat ng kapangyarihang kontrolin ito sakanyang kaibigan o kamaganak; pagkakaroon ng akawnt sa mga bangko sa ibang bansa upang makabili ng mga pag-aari sa iba’t ibang parte ng mundo; at pagtanggap ng diskuwento o kickback sa porma ng mga komisyon mula sa mga transaksyon ng gobyerno. 


Ang rehimeng Marcos ay nagdulot ng akusasyon na ang mga mamamayan ng Pilipinas ay may malubhang sakit na dulot ng plunder at dahil ang administrasyong Marcos ay nagtaglay ng katangian ng isang rehimeng kleptocracy, hindi malayong maging ang mga susunod na lider ay ipagpatuloy ito. 



II. JOSEPH “ERAP” ESTRADA



A. Mga Kontrobersiya

1. Juetenggate Scandal


Noong Oktubre 2000, inamin ng malapit na kaibigan ni Estrada na si Chavit Singson na kanyang personal na ibinigay ang mahigit P400 milyong parte sa jueteng, gayundin ang P180 milyon mula sa subsidiya ng presyo ng pamahalaan sa kooperatiba ng mga magsasaka ng tabako sa probinsya ng Ilocos Sur. Sinabi ni Singson na ginawa niya ang mga rebelasyong ito dahil umano sa pagtatangka na ipapatay siya nang malaman ng mga tagasuporta ng pangulo na ibubunyag niya ang pagkakadawit ni Erap sa ilegal na laro. Inamin rin ni Singson na hindi niya naibigan ang desisyon ng pangulo ng huwag pakialaman ang desisyon ni Charlie Ang hinggil sa pagtanggi nitong ibigay sakanya “Bingo 2 Ball Franchise” na papalit sa jueteng. Agad na umani ng pagtugon ang rebelesyon ni Singson, kung saan karamihan ay mga kahilingan sa pangulo na magbitiw o kaya ay mapatalsik sa puwesto. Ang ilang miyembro ng Gabinete gaya ni bise-presidente Gloria Arroyo at kalihim ng Social Welfare at Trade & Industry Mar Roxas ay nagbitiw sa kanilang puwesto. Noong Nobyembre 13, sa pakana ni Manny Villar, inaprupabahan ng House of Representatives ang resolusyong nagsasakdal sa pangulo sa puwesto. Sa pakana muli ni Manny Villar, hiniling niya sa senado na magsagawa na ng isang pormal na paglilitis nang sa gayon ay maiayos na ang proseso. Ang pinakainaabangang paglilitis ay binuksan noong ika-7 ng Disyembre kasabay ng Peal Harbor Day, sa pamumuno ng punong mahistrado, si Hilario Davide Jr. Tila tumitigil araw-araw ang oras sa Pilipinas tuwing sumasapit ang alas dos ng hapon dahil sa umeereng paglilitis kay Estrada, sa katunayan pa nga ay ito ang nagging pinaka-pinapanood na programa sa telebisyon noon. Ngunit nang labing-isang senador ang bumotong huwag buksan ang ikalawang sobre mula sa Equitable Bank na naglalaman ng ebidensya sa mga lihim na akawnt ng pangulo, nagbitiw ang karamihan ng kasama sa paglilitis. Ito ang nagsilbing mitsa upang magkaroon ng ikalawang People Power. 



2. Hot Cars Scandal


Noong Setyembre taong 1999, muling nadungisan ang pangalan ng dating pangulo nang isagawa niya ang distribusyon ng limampu’’t dalawang “hot cars” sa mga opisyales. Nang mabunyag ang kasong ito, sinabi ng president na ang mga magagarang kotseng iyon ay inilalaan sa mga opisyales upang mapahusay ang kanilang “katayuan at dignidad.”



3. Textbook Scam


Noong January 19, 1999, ihinatid ni Mary Ann Maslog ang mahigit tatlong milyong piso sa tanggapan ni Budget Secretary Benjamin Diokno. Ayon sa alegasyon, ang pera ay suhol sa P200 milyong “textbook deal” sa DepEd, Culture and Sports. Inakusahan ang isang taong nagngangalang Celia Ejercito de Castro, pinsan ng pangulo, ang sumubok na hikayatin ang Kalihim ng Edukasyon na aprubahan ang “deal.” Ang tinangkang panunuhol ay nagdawit sa isa sa mga nababalitang kalaguyo ng dating pangulo, si Laarni Enriquez, inaakusahang tagasuporta ng nasabing “deal.” 



Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga pinakakilalang iskandalo o kontrobersiya na kinaharap ng administrasyon ng pangulo at ng pangulo mismo. Ito ang mga napili ko sa kadahilanang sa pananaw ko, ang tatlong ito ang pinaka-nakaapekto sakin bilang isang estudyante at mamamayan ng Pilipinas. Ang malalaking perang nagamit sa maling paraan sa Textbook Scam at Hot Cars Scandal ay sobrang nakakapanghinayang dahil marami pa sana itong mapupuntahang mas makabuluhang bagay gaya na lamang ng mga kagamitang pang-eskwela gaya ng bagong pisara, mga silid-aralan, mga maaayos na upuan, mga libro at iba pa. Ikalawa, gaya ng aking isinulat sa unang iskandalo, tila tumitigil ang mundo ng mga Pilipino sa mga nasabing kontrobersiya, dahil ang lider na noong nangampanya ay para sa mahirap ay naging mailap na hindi lamang sa mahirap, kundi sa masa. 




B. Paraan ng Pagharap o Solusyon

1. Juetengate Scandal


Pinilit ng dating pangulo na itago ang katotohanan sa abot ng kanyang makakaya. Dahil dito,umalab ang damdamin ng mga Pilipino kung kaya’t naganap ang ikalawang People Power sa EDSA na dinaluhan ng mga mamayang mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay. Nang magsimula nang magbitiw sa puwesto ang mga miyembro ng gabinete, nilisan ni dating pangulong Estrada ang palasyo upang maiwasan ang pagdanak ng dugo. Ang aktong ito ay kinilala ng Korte Suprema na implikasyon ng pagbibitiw sa puwesto. 


2. Hot Cars Scandal


Dahil sa malakas na negatibong pagtugon na natamo ng aktong ito, kinalaunan ay ipinagutos ng president na isauli ng mga nakatanggap ang mga magagarang kotseng ito sa Customs Bureau. Ang mga kotseng ito ay naging rematado.



3. Textbook Scam


Sa kasong ito, agad na sinubukan ng dating pangulo na depensehan sina de Castro at Enriquez . Ipinakita niya rin sa publiko ang kanyang pagkadismaya sa kalihim na si Gonzalez. 



C. Epekto sa Pananaw ng Mundo sa mga Pilipino o sa Kasaysayan ng Pilipinas


Ayon sa mga kritiko at mga taga-suporta ng dating pangulo, ang problema sakanya ay hindi ang pagiging korap nito kundi ang pagbibitaw nito ng mga pangako na hindi siya magiging korap sa buong panahon ng kanyang pamumuno; ang pagputol sa nepotismo; higit sa lahat, ang pangakong hindi niya susundan ang mga tinahak na daan ng mga naunang pangulo. Dahil dito, masasabing hindi nadama ang palabra de honor sa mga Pilipino dulot ng pagbali ng mismong pangulo sa kanyang mga ipinangako. Ang adminsitrasyong Estrada ay nagdulot din ng mantsa sa kasaysayan ng Pilipinas sa paraang siya ang kauna-unahang presidenteng itinakwil ng mga mismong taong nagluklok sakanya sa posisyon. Bilang estudyante, kung bibigyan ako ng pagkakataon kung ano ang nagpabagsak sakanya, ito ang isusulat ko: malaking pera, mga babae at mansyon – mga bagay na nagpababa ng tingin ng nakararami hindi lamang sakanya, kung hindi maging sa mga taong sinumpaan niyang pagsilbihan.



III. CORAZON “CORY” AQUINO



A. Mga Kontrobersiya

1. Mendiola Massacre


Taong 1987 nang hingin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas mula sa administrasyong Aquino ang ipinangakong reporma sa lupa at libreng distribusyon ng lupa noong panahon ng pangangampanya ni dating pangulong Cory Aquino. Hindi nagtagal, tumungo sa DAR sa Diliman ang mga miyembro ng nasabing kilusan upang ipresenta ang mga problema at nais nila, gaya ng libreng distribusyon ng lupain sa mga magsasaka. Nangako ang dating Agrarian Reform minister na si Heherson Alvarez na ipararating niya sa pangulo ang mga mga napagusapan kinabukasan sa pagpupulong ng gabinete. Noong January 22, 1987, napagdesisyunan ng mga magsasaka na magmartsa patungong Malacanang upang iparating ang kanilang mga hinaing kaysa makipagusap kay Heherson Alvarez kasama ang mga miyembro ng iba’t ibang militanteng grupo. Nang marating na nila ang Claro M. Recto Avenue, nagkainitan na ang mga pulis at nagpo-protesta. Ang pagputok ng mga baril ay nagsimula nang marinig. Labing tatlong tao ang agad na nakumpirmang patay; 39 ang nasugatan at labing dalawa ang nagtamo ng kaunting sugat. Ang insidente na tinawag ding “Black Thursday” ay naganap sa Mendiola Street, San Miguel, Manila.



2. Luis Beltran Scandal


Si Luis Beltran ay isang mamahayag na Filipino na nakilala dahil sa pagbanggit niya sa isang kolumn tungkol sa kudeta na pinasimunuan nila Gregorio Honasan na ang dating pangulong Aquino ay nagtatago sa ilalim ng kanyang kama nang maganap ang kudeta. Siya ay kinasuhan ng presidente mismo ng libel. Ipinahayag ni Beltran ang kanyang paniniwalang ang presidente ay kulang sa kakayanan at tumugon na ang kanyang mga salita ay hindi dapat tanggapin sa literal na kahulugan. Ipinagpatuloy ng pangulo ang pagsasampa ng kaso laban kay Beltran at sa editor-in-chief ng STAR, si Max Soliven. Nasentensyahan ang kolumnista at ang kanyang editor noong Oktubre 22, 1992 ng dalawang taon ng pagkakakulong at dalawang milyong piso para sa kasiraang moral na idinulot nito. 


3. Kamaganak Inc.


Ang Kamag-anak Inc. ay isang likhang-bansag ng kolumnistang si Louie Beltran upang tukuyin ang mga kamag-anak ng dating pangulong Aquino na noon ay inaakusahan ng pakikialam sa pagpapatakbo niya ng gobyerno, paglagda niya sa mga kontrata, mga polisiya ng gobyerno at reporma sa lupa. Kabilang din ang pag-gamit na kanyang mga kamag-anak ng kanilang koneksyon para sa kanilang sarili noong termino ng dating pangulo, mula taong 1986 hanggang 1992, gaya ng paglalagay ng tao sa puwesto at pagaalis ng sequestration order. Ang mga pagbulong na ito ay pinakikinggan ni Cory. Ang Kamag-anak Inc. ay napabalitang kabilang sa malawakang korapsyon noong nakaupo pa si Cory, kabilang ang ang alegasyon na may ilang kamaganak ang Aquino na nakakuha ng “assets” ni Marcos bago pa man ito ihiwalay ng PCGG. (the Cojuangcos, the Aquinos, the Lopas, the Oretas, the Sumulongs, the Tanjuatcos, etc.)



Napili ko ang mga ito sa kadahilanang sa aking pananaw ito ang magmumulat sa mga kapwa ko Pilipino na ang kinikilala nilang malinis at tapat na si dating pangulong Corazon Aquino ay malayo sa kanilang inaakala.


Simula pagkabata, puro magagandang bagay o pagtugon ang naririnig at nababasa ko tuwing si Cory Aquino ang paksa ng usapan. Ayon pa nga sa isang pagmamalabis, ang administrasyong Aquino raw ang di umano tanging administrasyon na naging tapat, malinis at demokratiko. Sa katunayan, sobrang naririndi na ako sa mga pagtugon na ito kung kaya’t kinuha ko na ang tyansang ito upang ilantad ang tunay na pangyayari sa ilalim ng administrasyong Aquino.


Higit sa lahat, nais kong ipaunawa sa mga mambabasa sa pamamagitan ng mga kontrobersiyang ito na hindi karapat-dapat tratuhing santo ang yumaong pangulo dahil gaya ng pangulong kanyang pinalitan na si Marcos, naging makasalanan rin siya, hindi nga lamang alam ng mga Pilipino dahil binulag sila ng paniniwalang hindi kailanman gagawa ng kasamaan o kasalanan ang maybahay ng tinuturing nilang bayani, si Ninoy Aquino. 





B. Paraan ng Pagharap o Solusyon

1. Mendiola Massacre


Binuo ni dating pangulong Corazon Aquino ang Citizens’ Mendiola Commission sa pamumuno ng dating Supreme Court Justice Vicente Abad Santos upang imbistigahan ang insidente. Iminungkahi nito ang paglilitis sa lahat ng opisyal ng Western Police District at Integrated National Police Field Force na armado noong naganap ang insidente.



2. Luis Beltran Scandal


Hindi tinigilan ng dating pangulo ang nasabing kolumnista at ang editor nito. Tanging ang pagkamatay nito ang tumapos sa kaso. Kasunod nito ay ang pagpuna ng publiko sa aksyon ng pangulo, ngunit ayon sa kasaysayan, nanatili na lamang na tahimik ang pangulo.



3. Kamag-anak Inc.


Walang tuwirang naging paraan ng pagharap ang pangulo sa kontrobersiyang ito, dahil ayon nga sa kolum ng yumaong Louie Beltran, pinakikinggang ng pangulo ang mga dikta sakanya ng kanyang mga kamag-anak. Ang kontrobersiya ay nanatiling nakakabit sa pangalan ng pangulo hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino, at muling nanunumbalik sa pagkakaluklok ng kasalukuyang pangulo ng Pilipinas, si Pnoy.



C. Epekto sa Pananaw ng Mundo sa mga Pilipino o sa Kasaysayan ng Pilipinas


Nagbunga ng pagkatakot sa mga mamamahayag at manunulat ang pagkakakulong ni Beltran dahil sa kasong libel. Ikinatakot nila na maaari silang humantong sa kinasapitan ng nasabing kolumnista nang dahil sa kanilang malayang pagpapahayag. Sa panahong ito, nagsimula silang kuwestiyonin kung may demokrasya nga ba talaga sa administrasyong Aquino.


Bagamat nakapagbigay ako ng epekto ng mga kontrobersiyang nabanggit, napakaliit lamang nito. Sa katotohanan, walang naging epekto ang mga kontrobersiya at eskandalong kinasangkutan at kinaharap ng pangulo sa kadahilanang tinatrato siya ng mga Pilipino na parang isang santo – hindi nagkakamali at hindi nagkakasala, dahil sa matatag na kaisipang utang natin ang ating kalayaan at demokrasya sa kanya. Siguro mas dapat ko pang imungkahi na ang pangulong ito ay huwag tawaging pangulo, bagkus ay kilalanin bilang isang reyna dahil ang reyna, kailanman ay hindi nagkakamali. 


Kahit hindi man naging malinis ang administrasyong Aquino gaya ng kanyang ipinangako, ito ay naipagwalangbahala ng mga taong bulag sa katotohanan.



IV. Fidel V. Ramos

A. Mga Kontrobersiya

1. Clark Centennial Expo Scandal


Ang muling pagbuhay sa damdaming nasyonalismo ng mga Pilipino sa pamamagitan ng malawakang pagkampanya para sa ika-100 na anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas ay isa sa sana ay ambag ni Fidel Ramos sa Pilipinas. Subalit natakpan ng mga alegasyon na malawakang korapsyon at maling paggamit ng pondo ang mga magagandang inaasahang resulta ng mga proyekto, gaya ng Centennial Expo at Ampitheater sa dating Clark Air Base sa Angeles City, Pampanga. Ang paguulat na iprinesenta ng Philippine Center for Investigative Journalism ay nagpakita ng pagpapatunay na lubhang naging magastos ang proyekto. Ang proyekto rin ay lumabas na isa palang panakip-butas upang makalikom ng pondo para sa partidong LAKAS ng dating pangulong Ramos sa pamamagitan ng buwis na ibinabayad ng mga Pilipino. Samantala, ang proyektong Centennial Expo Pilipino na dapat ay magiging sentro ng selebrasyon ng ika-100 na anibersaryo ng kalayaan ng bansa mula sa Espanya ay umani ng negatibong komento dahil sa napakalaking pera iginugol dito. Halos 9 na bilyon o 1.7 porsyento ng pambansang badyet ng bansa ang napunta sa proyektong ito. 



2. Unsound Economic Policies.


Pinuna ng mga grupo ng “leftist” ang mga repormang pang-ekonomiya ng dating pangula, gaya ng privatization, deregulation at trade liberalization. Ayon sa kanila, ang mga ipinakikitang pagunlad ng ekonomiya sa panahon ng kanyang pamumuna ay peke. Bukod pa dito, tuwiran din nilang sinisi ang dating pangulo para sa pagbagal ng ekonomiya ng Pilipinas noong nagkaroon ng East Asia Financial Crisis, taong 1997. Ang pagkakabenta ng Petron sa Aramco ay kanila ding tinuligsa bilang bunga ng kawalan ng epektibong paggamit ng kapangyarihan sa paghawak sa industriya ng langis. 



3. Flor Contemplacion


Bago naging matunog ang pangalang Flor Contemplacion, paunti-unti nang naisasakatuparan ni dating pangulong Fidel V. Ramos ang pinangako niyang pagsugpo sa kahirapan. Naghahanda narin ang pangulo para sa papalapit na eleksyon, dahil inaasahan niya ang pagkapanalo ng kanyang mga tagasuporta na mga makakatulong niya sa pagpapatupad ng kanyang mga polisiya. Subalit nang papalapit na ang eleksyon sa kongreso sa taong 1995, nakaranas ng krisis ang bansa kung kaya’t napilitan ang maraming Pilipino na pumunta sa ibang bansa upang magtrabaho. Isa sa mga mangagawang nangibangbayan ay si Flor Contemplacion, isang Pilipinong nagtrabaho sa Singapore bilang katulong ngunit inakusahan ng pagpatay sa dalawang tao sa taong 1991 at di naglaon ay sinentensyahan ng parusang kamatayan. Bagamat may tumestigo na may ebidensiya siyang magpapatunay ng kainosentehan ni Flor, nanindigan ang korte ng Singapore sa desisyon nila. Bagamat hindi tuwirang matuturing na eskandalo ang Flor Contemplacion Death, ang pangyayaring ito ay isa sa pinakamatinding kinaharap ni Fidel Ramos dahil may mga bumatikos sakanya dahil sa kawalan niya ng kakayahang remedyuhan ang kaso.



Ang mga kontrobersiya o iskandalong ito ang aking napili dahil sa aking palagay ito ang mga dapat pagtuunan ng pansin sa administrasyong Ramos. Sinasalamin ng mga ito ang mga pangunahing problema sa gobyerno ng Pilipinas. Unang una, laganap ang korapsyon. Sa kaso Clark Centennial Expo, sinasabing nagsimula ang dating pangulo na may malinis na hangarin sa nasabing proyekto ngunit di nagtagal ay naakit na ibulsa na lamang ang pera o pondong sana ay ilalaan para sa pagsasagawa ng nasabing proyekto. Tinatayang halos 1.7 porsyento ng pambansang badyet ang nawaldas sa proyekto. 


Ikalawa, ipinakikita ang harap-harapang pagpupumilit ng mga naging pangulo (maliban siguro sa administrasyong Magsaysay) na magsinungaling sa publiko ukol sa tunay na kalagayan ng ekonomiya ng bansa. Pilit tayong pinaniwala ng dating pangulo na ang ekonomiya natin ay matatag na at ang bayan ay umaasenso sa ilalim ng kanyang pamumuno. Ang isang mabuting lider ay hindi kailanman dapat makukuhang magsinungaling sa kanyang mga pinamumunuan.


Samantala, napili ko ang ikatlong kontrobersiya dahil ang problemang kaakibat nito ay masasaksihan kahit sa kasalukuyang panahon. Sa panahong iyon, umani ng samu’t saring pambabatikos ang Philippine Embassy sa Singapore dahil sa kakulangan nito na magpadala ng kinatawan sa korte sa buong panahon ng paglilitis. Sa kasalukuyang panahon, ang nasabing akto ng pagkukulang ay masasaksihan maging sa iba pang bagay. Makikitang ang gobyerno ay kadalasang hindi handa sa mga posibleng kaharapin ng nasasakupan.




B. Paano Hinarap o Solusyon

1. Clark Centennial Expo


Dumating ang dating pangulong Fidel Ramos sa Congressional Committee noong Oktubre taong 1998 upang mapawalang-sala ang mga nadawit na opisyales. Anim na miyembro ng gabinete at mga opisyales, sa pamumuno ni Salvador Laurel, ang chairman ng Centennial Commision, ang napawalang-sala ng Ombudsman at Sandigan Bayan.



2. Unsound Economic Policies


Taong 1998 nang inamin ni dating pangulong Ramos na ang ekonomiya ng bansa ay maaaring hindi nga matatag. Kasabay nito ay ang pagkakadiskubre ng isang lihim na memorandum na inilabas ng director heneral ng National Economic Development Authority. Nakapaloob sa memorandum na ito ang panghihikayat ng direktor-heneral sa dating presidente na sabihin sa mga Pilipino ang katotohanan ukol sa kalagayan ng ekonomiya. Nakasulat rin dito ang pagpapaalala na abisuhan ang mga Pilipino na ihanda ang kanilang mga sarili sa mas masahol na pangyayari.



3. Pagkakaroon ng Migrant Workers Protection (Flor Contemplacion Case)


Ang pagbitay ay hindi naagapan sa kadahilanang nahuli sa pag-aksyon ang gobyerno. Sa mga huling araw ni Flor, sinikap ng dating pangulo na kausapin ng personal ang punong mahistradong si Goh Chok Tong at ang pangulong Ong Teng Cheong upang makiusap na kung maaari ay mapababa ang hatol sa Pilipinas subalit naging bingi ang gobyerno ng Singapore sa mga pakiusap na ito. Agad niyang tinawagan ang Philippine Ambassor sa Singapore na si Alicia Ramos upang suspendihin ang anumang diplomatikong relasyon ng bansa sa Singapore. Bumuo siya ng isang komisyon na magiimbestiga sa kaso na pinamunuan ni Emilip Gancayco. Ayon na rin sa rekomendasyon ng Gancayco Commission, pinamunuan ni Ramos ang pagsasagawa ng Batas Republika 8402, o mas kilala sa katawagang Magna Carta para sa mga OFW o ang “Migrant Workers Act.” Ito ay nilagdaan noong Hunyo 7, 1995. Sa pagdating ng kabaong ni Flor sa Pilipinas, sinalubong ito ng Unang Ginang na si Amelita Ramos sa Ninoy Aquino International Airport sa Maynila. Nagpadala ang dating pangulo ng bulaklak na ginawang korona at naghandog rin siya ng tulong pinansiyal sa naulilang pamilya. Ipinagutos rin ng dating pangulo kay UAE Ambassador Roy Seneres na pangunahan ang mga negosasyon matapos malaman ang hatol kay Sarah Balabagan noong Setyembre ng taong 1995, at sa kabutihang palad, ang hatol ay naibaba at hindi nagtagal ay napalaya noong Agosto taong 1996.



C. Epekto sa Pananaw ng Mundo sa mga Pilipino o sa Kasaysayan ng Pilipinas


Ang mga kontrobersiya o iskandalo na nabanggit sa ilalim ng pamumuno ni Fidel V. Ramos ay nakaimpluwensiya sa reputasyon, administrasyon at pakikipagugnayan ng Pilinas at ng mga Pilipino.


Sa kaso ng pagputok ng kontrobersiya sa pagkakabitay kay Flor Contemplacion, napagbuntungan ng sisi ang gobyerno at ang dating pangulo dahil wala raw siyang nagawa upang pigilan ang nasabing pagbitay. Ang pangyayaring ito ang nagdulot ng muntikang pagkakaputol ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas sa Singapore na hindi maitatangging isa sa pinakamahalagang katuwang ng Pilipinas sa pagpapalitan. 


Higit sa lahat, ang mga pangyayaring ito ang nagbigay ng hindi magandang impresyon ng mga dayuhan sa mga Pilipino.


V. Gloria Macapagal Arroyo

A. Mga Kontrobersiya



1. Hello Garci Tape


Nailabas sa publiko ang isang tape na di umano ay naglalaman ng pag-uusap nina dating pangulong Arroyo at dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano tungkol sa paniniguro ng mga boto sa resulta ng eleksyon. Dahil dito, tumatag ang pangku-kwestyon sa pagkapanalo ni dating pangulong Arroyo sa naganap na eleksyon. 



2. Fertilizer Fund Scam


Noong 2004, inakusahan ni Lacson ang pangulo na bumibili ng boto ng maglabas ito ng P728 milyon. Lumipas ang isang taon, sinabi sa ulat ng Probe Team na ang ilang magsasaka ay hindi nakatanggap ng pataba sa lupa. Naging matunog ang pangalan ng Ilalim na Kalihim ng Agrikultura na si Jocelyn Bolante nang akusahan siyang tagapaglihis ng inilabas na P728 milyon sa kampanya ng pangulo noong 2004, na nakalaan sa mga pataba na ipamamahagi.



3. NBN-ZTE Deal


Upang mapabuti ang kakayahan sa pakikipagugnayan ng ating pamahalaan, naglunsad ng isang proyekto. Sa paglunsad nito, sumunod ang pagkakaroon ng kontrata sa pagitan ng Tsina at Pilipinas na tinawag na Kasunduang National Broadband Network-Zhong Xing Telecommunication Equipment Company Limited o NBN-ZTE. Isa itong kasunduan sa pagitan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ng Pilipinas at ng Zhong Xing Telecommunication Equipment Company Limited (ZTE), isang kumpanyang pangtelekomunikasyon at networking ng bansang Tsina. Nagkakahalaga ang kontrata ng US$ 329.5 milyon. Pinaratangan ang dating tagapangulo ng COMELEC na si Benjamin Abalos, Unang Ginoong Mike Arroyo at dating pangulong Gloria Arroyo ng katiwalian.



Napili ko ang tatlong ito alinsunod sa naging batayan ko sa mga kontrobersiya ng mga naunang pangulo: pinakakilala, pinakapinagusapan at pinakamatindi. Ang tatlong ito ang nagpatunay na ang pamumuno ni dating pangulong Arroyo ay humarap sa mga suliraning ukol sa maduming rehimeng Estrada, globalisasyon at siyempre, pagpapanatili ng kapangyarihan. 




B. Paraan ng Pagharap o Solusyon

1. Hello Garci



Naging depensa ni dating pangulong Arroyo na sinisiguro at pinoprotektahan lamang niya ang kanyang mga boto kung kaya’t tinawagan niya ang isang opisyal ng Comelec subalit hindi niya nakumbinsi ang kanyang mga kritiko. Inabot ng tatlong lingo ang pananahimik niya sa isyu. Bagamat kabi-kabila ang mga protesta na naguudyok na magbitiw o masakdal ang pangulo, magkaroon ng mabilisang eleksyon, ChaCha at pagpalit ni bise-presidente Noli de Castro, nanatili sa puwesto si Arroyo dahil ayon sa korte, ang paratang ay kulang sa basehan bagamat sapat na ang nilalaman nito upang makasuhan ang dating pangulo.



2. Fertilizer Fund Scam



Hindi nagsagawa ng aksyon ang pangulo dahil siya ay awtomatikong ipinagtanggol ng akusadong si Jocelyn Bolante. Maaaring maisip na baka sinuhulan o pinagbantaan ng pangulo ang taong ito upang pigilan siyang magsagawa ng anumang rebelasyon na magdadawit sa kanyang pangalan. Samantala, upang maayos ang kaso, inimbestigahan ng Task Force ang pagkakasangkot ng mahigit 140 na kongresista sa Ginintuang Masaganang Ani na programa ng Departamento ng Agrikultura. Ngunit gaya ng ibang kaso, napabayaan na lamang ito.



3. NBN-ZTE Deal


Napagpasyahan ni dating pangulong Arroyo na ikansela ang proyektong National Broadband Network noong ika-2 ng Oktubre taong 2007 sa isang pagpupulong kasama si Hu Jintao, ang president ng Tsina. Ibinasura naman ng Korte Suprema ang tatlong petisyon na kumukwestyon sa pagkakasunod ng NBN-ZTE Deal sa konstitusyon noong Hulyo 14, 2008 dahil sa ipinahayag na pagbabago sa desisyon ng pangulo. 



C. Epekto sa Pananaw ng Mundo sa Pilipinas o sa Kasaysayan ng Pilinas


Masasabi kong may panahong naramdaman ang diskriminasyon ng mga dayuhan sa mga Pilipino dahil di umano sa magulong pinanggalingan ng mga ito. Noong mga panahon kasi ng pamumuno ni Arroyo, laganap ang mga pagpoprotesta sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa umaaalab na damdaming patalsikin sa puwesto ang nasabing pangulo. Ayon pa nga sa isang akda ng isang kilalang manunulat na nagtatago sa isang “pseudonym”, siya ay nilayuan ng nakilalang dayuhan nang malamang siya ay isang Pilipino, dahil ayon daw sa taong ito, magnanakaw ang mga mamamayang Pilipino.



Ang mga kontrobersiyang ito ay nagdulot na ng kasawaan sa mga Pilipino at maging sa mga hindi Pilipino sa kasagutang ibinibigay ng mga Pilipino tuwing tatanungin kung ano ang pinakamalaking problema sa bansa, na ayon sakanila, ay korapsyon. Higit sa lahat, lalong bumaba ang tingin ng karamihan sa ating hustisyang ipinagkakaloob n gating gobyerno dahil sa laganap na pagkakawalang-sala sa mga criminal at pagwawalangbahala sa mga nagkasala sa bayan, gaya na lamang ni dating pangulong Arroyo.




Sanggunian



Libro/Diyaryo


Boncan, C. Ph.D., Ong, Jerome A., Jose, Mary Dorothy, Ponsaran, J., Mateo, G.E.C, 

Ph. D., Philippine Civilization (History and Government), Vibal Publishing House, Inc., 2006

Laquian, Aprodicio, Laquian, Eleonor, The Erap Tragedy: Tales from the Snake Pit, ANVIL PUBLISHING Inc., 2002

McDougald, Charles C., The Marcos Files, San Francisco Publishers, 1940

Oliveros, Reynaldo, Galvez, Ma. Concepcion., Estrella, Yolanda, Andaquig, J. Paul, Philippine History and Government, IBON Books, 2011 Edition
The Straits Times, 23 June 1972, Page 32


Links


Fidel Ramos:





Gloria Arroyo



Ferdinand Marcos





Cory Aquino


http://en.wikipedia.org/wiki/Mendiola_massacre